Si Alex Eala pa rin ang nanaig sa muling pagtutuos nila ni Paris Olympic silver medalist Donna Vekic sa Kooyong Classic sa Australia nitong Miyerkules sa iskor na 6-3, 6-4.

Nauna nang tinalo ng 20-anyos na si Eala ang 29-anyos na Croatian na si Vekic sa ASB Classic noong nakaraang linggo sa Auckland, New Zealand sa iskor na 4-6, 6-4, 6-4.

Sa muli nilang paghaharap, naging mabagal ang simula ni Eala at nakuha ni Vekic ang maagang 2-1 na kalamangan sa unang set. Ngunit bumawi ang Pinay tennis star at nakuha ang apat na sunod na laro para maitala ang 5-3 na abante mula sa sunod-sunod na error ng Croatian tennis ace.

Ang isa pang error ni Vekic ang nagbigay-daan kay Eala upang maselyuhan ang panalo niya sa unang set, 6-3.

Gaya ng unang set, si Vekic muli ang nakakuha ng maagang kalamangan na 2-0. Ngunit hindi na naman nagpasindak si Eala ang kinabig ang sunod na apat na laro para maagaw ang abante sa 4-2.

Tinangka naman ni Vekic na makatabla nang makakuha siya ng “ace” at iposte ang 4-3 na iskor. Pero nakuha naman ni Alex ang sunod na laro, 5-3.

Ipinakita naman ni Vekic na hindi siya basta-basta susuko nang maidikit muli ang iskor sa 5-4.

Subalit hindi iyon naging sapat dahil kinuha na ni Alex ang sunod na laro para muling angkinin ang tagumpay sa muli nilang paghaharap.—Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News