Nahuli-cam ang isang babae na may kargang sanggol na kinuha ang pera mula sa donation box ng isang simbahan sa Cebu City.


Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa Balita Ko nitong Martes, makikita sa video ang babae na may kargang sanggol habang nasa adoration chapel ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Barangay Tisa.

Ilang saglit pa, kinakalikot na ng babae ang donation box, saka ipinasok ang nakuhang pera sa bag.

Kinarga niya ang sanggol bago umalis.

Nadatnan ng mga taga-simbahan na sira na ang donation box.

Patuloy na inaalam kung magkano ang donasyon na natangay ng suspek.

Sinabi ng pulisya na walang plano ang pamunuan ng simbahan na magsampa ng reklamo sa babae ngunit umaasang matutukoy ang kaniyang pagkakakilanlan. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News