Aabot sa 147 katao sa Talakag, Bukidnon ang na-food poison umano matapos dumalo sa isang kasalan, ayon sa ulat ni Kent Abrigana ng GMA Regional TV Davao sa Unang Balita nitong Martes.
Sumakit daw ang tiyan ng ilang bisita at ang iba ay kinakailangan pang dalhin sa ospital sa mga karatig-bayan matapos mawalan ng malay.
"Base sa mga sintomas na pagsusuka at pananakit ng tiyan ito ay mula sa staphylococcus bacteria na nag-release ng toxin, most likely sa pag-prepare ng pagkain tapos mainit ang panahon, 15 hours bago na-serve," ani Dr. Mark Anthony Dano ng Municipal Health Office ng Talakag.
Sa 147 na na-food poison, 35 ang mula sa Talakag kung saan idinaos ang kasalan. Mahigit 100 naman ang galing sa bayan ng Lantapan kung saan niluto ang pagkain.
"Binigyan sila ng kanin, pancit at adobong manok. Pagsapit ng alas kuwatro sumakit na ang kanilang tiyan, grabe pagsusuka at pagdudumi," kuwento ng kapatid ng isa sa mga nahilong bisita.
Ayon kay Dano, mismong ang bride ay nabiktima rin ng food poisoning.
Sinusuri na ng Talakag Municipal Health Office ang sample na kinuha mula sa pagkaing inihanda sa nasabing kasalan para malaman kung ito ang dahilan ng pagkakasakit ng mga bisita. —KBK, GMA Integrated News