Isa ang nasawi, habang tatlo ang sugatan matapos masagi ng isang pick-up truck ang sinasakyan nilang tricycle at bumangga sa nakasalubong na van sa Padre Garcia, Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, nakikita sa CCTV footage na halos magkasabay na binabagtas ng tricycle at pick-up ang kalsada sa Barangay San Felipe nitong Linggo ng hapon.

Pero nagtangka ang pick-up truck na unahan ang tricycle at doon na niya nasagi ang sinasakyan ng mga biktima.

ADVERTISEMENT

Napunta ang tricycle sa kabilang bahagi ng linya at doon naman ito nabangga ng kasalubong na van.

Dinala sa ospital ang mga sakay ng tricycle pero hindi na nakaligtas ang isang pasahero nito. Sugatan naman ang driver ng tricycle at dalawa pa niyang pasahero.

"According dito sa driver ng [pickup] ay hindi rin niya namalayan na hind pa pala siya nakakalampas doon sa tricycle at sumabit doon sa kaniyang hulihang bahagi ang tricycle," ayon kay Police Major Charles Fulanche, OIC, Padre Garcia Police Station.

Isa sa mga sakay ng tricycle ang napahampas umano ang ulo nang mabangga ng pick-up ng sidecar ng tricycle, sabi pa ni Fulanche.

Nasa kostudiya ng pulisya ang mga driver ng pick-up at van habang hinihintay pa ang kamag-anak ng nasawing biktima na manggagaling sa Bicol para makapag-usap ang makabilang partido.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang dalawang driver at mga nakaligtas na biktima.-- FRJ, GMA Integrated News