May mga bahagi na naman ng katawan ng tao ang nakita sa bahagi ng Cavite-Laguna Expressway sa Silang, Cavite.

Sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing nakita ang mga parte ng katawan ng tao sa CLEX sa bahagi muli ng Barangay Kaong.

Ayon sa Silang police, ang nakitang parte ng katawan ng tao ay kinabibilangan ng dalawang braso at isang paa.

Hindi pa umano batid kung babae o lalaki ang biktima.

Isasailalim din sa DNA test ang naturang bahagi ng katawan upang alamin kung bahagi ng mga parte ng katawan na nauna nang natagpuan.

 

 

Sinabi sa ulat na nauna nang may nakitang torso, sumunod ang ulo, at may nakita ring braso at dalawang binti.

Idinagdag din na ipinauubaya na umano ng Silang police ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa National Bureau of Investigation.

Noong nakaraang buwan, may nakitang putol na bahagi ng katawan ng lalaki na nakabara sa daluyan ng tubig sa CLEX sa bahagi ng nasabi ring barangay.--FRJ, GMA Integrated News