Kumaripas ng takbo ang isang lalaking nag-akyat-bahay matapos siyang salubungin ng asong bantay at ng mismong may-ari ng bahay sa San Carlos, Negros Occidental.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang lalaki na nagmamasid sa naturang bahay kahit na kalagitnaan ng araw.

ADVERTISEMENT

Maya-maya pa, umakyat at tumalon ang lalaki sa loob ng bakod.

Umakma ang lalaki na lilibot pa sa loob ngunit nagkataong naroon ang alagang aso at amo nito na sumalubong sa kanya.

Kumaripas ng takbo ang lalaki dahil sa takot at lumundag palabas.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng lalaki ngunit posibleng nagbabalak itong magnakaw.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News