Nasawi ang isang lalaking limang-taong-gulang matapos umanong hampasin ng bato sa ulo at lunurin sa dagat ng kaniyang kapatid sa ina na 14-anyos sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Lunes, ang walong-taong-gulang na kapatid ng dalawa ang nakasaksi at nagsumbong sa nangyaring krimen sa Barangay Suba-Basbas, noong umaga ng Biyernes.

Kaagad na hinanap ng mga taga-barangay ang biktima at nakita nila ang katawan nito sa dagat. May pasa at sugat sa mukha ang biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na galit ang suspek sa kaniyang step-father na palagi siyang pinagagalitan, at ang nakababatang kapatid ang pinagbuntunan niya ng galit.

"Parati siyang pinapagalitan. Kung anong ginawa niya sa nakababatang kapatid, 'yan din umano ang ginagawa sa kaniya ng ama," ayon kay Police Lieutenant Colonel Christian Torres,  spokesperson, Lapu-Lapu City Police.

Dahil sa edad ng suspek, inilagay siya sa pangangalaga ng homecare facility ng city social welfare department para isailalim sa intervention at counseling.-- FRJ, GMA Integrated News