Nakararamdam ng takot ngayon ang mga residente sa isang compound sa isang barangay sa Calasiao, Pangasinan dahil sa nakitang malaking sawa na hindi nahuli.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing gabi nang makita ang sawa na nasa tatlong metro ang haba, na tumawid ng kalsada at nagulungan pa ng sasakyan sa Barangay Malabago.
Pero kahit nagulungan ng sasakyan, dumiretso pa rin sa paggapang ang ahas patungo sa isang bahay na may matandang nakatira.
Nang hanapin, hindi nakita sa bahay ang sawa at patuloy pa rin itong hinahanap. Balak ng mga residente na magpatulong na sa snake hunter bago pa may malagay sa peligro ang buhay.
Sinabi ng isang opisyal ng barangay, posibleng galing sa imburnal ang sawa at lumabas lamang ng lungga upang maghanap ng pagkain.
“Malaki po ‘yung ahas and sad to say hindi siya nahuli dahil siyempre takot din ‘yung mga nakakita na ilan. Open po ang barangay, nandito ang barangay council kasama ang barangay personnel para tulungan sila para hanapin po ‘yung ahas,” sabi ng barangay chairman na si Angelo Troy Conte.
Nito namang Pebrero 2024, namataan din sa Calasiao ang pinagbalatan ng isa ring dambuhalang sawa.
Nang maghanap ang mga awtoridad at mga residente, nakahuli sila ng mga sawa sa lugar, kasama ang isang reticulated python na 10 talampakan ang haba.
Ngunit ayon sa DENR, posibleng galing sa Burmese python ang nakuhang balat na hindi na rin nakita pa.
Ipinahinto ng DENR ang snake hunting noon dahil nabubulabog ang ecosystem sa lugar.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
