Patay ang isang 64-anyos na babae matapos siyang  mabangga at pumailalim sa isang bus sa Kibawe, Bukidnon. Ang biktima, nag-alinlangan daw sa pagtawid.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na idinahilan ng driver ng bus na nag-alinlangan umano ang biktima sa pagtawid.

Sinubukan umano ng driver na iwasan ang biktima kaya lumipat ito sa kabilang linya ng daan pero bigla rin umanong tumawid ang babae at doon na niya tinamaan.

“So, para iyang malikayan, didto siya (ang bus) nag-proceed sa opposite side pero nidagan ang biktima so nagtagbo gyud sila,” ayon kay Kibawe Municipal Police Station Deputy Chief, Lt. Teresita Beleno-Incillo, batay sa salaysay ng driver ng bus.

Isinugod sa ospital ang biktima pero pumanaw din kinalaunan dahil sa matinding mga pinsala na tinamo sa katawan.

“So medyo naa na pud siya’y sa iyang panan-aw medyo hanap-hanap na pud pero nahitabo nga siya ra gyud isa ang nakabaklay ato nga time,” dagdag ni Beleno-Incillo.

Kusa namang sumuko ang bus driver na hindi nagbigay ng pahayag sa media.

Ayon sa pulisya, inihayag umano ng kompanya ng bus ang kahandaan na sagutin ang pagpapalibing sa biktima.-- FRJ, GMA Integrated News