Sugatan ang isang 17-anyos na lalaki matapos siyang saksakin sa likod ng suspek na 17-anyos din habang nasa loob sila ng isang internet café sa General Santos City.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ang limang kalalakihan na nasa loob ng internet cafe.

Maya-maya lang, galit na biglang tumayo ang suspek at tinarakan nito ng patalim sa likod ang biktimang nakaupo.

Inambaan din niya ng patalim ang isa pang nasa loob ng establisimyento pero hindi niya itinuloy ang pag-atake.

Sa halip, dinilaan niya ang hawak na patalim sa harap ng apat ng binatilyo na magkakasama sa sulok ng internet cafe.

Ayon sa pulisya, galing sa kaibigan ng suspek ang patalim.

Dinala naman sa ospital ang biktima.

Batay umano sa ilang saksi, sinabi ni Police Station 3 Deputy Station Commander, Police Lieutenant Ferdinand Sahagun, na nanaksak ang suspek dahil sa binully daw ito at sinabihan na mabaho.

"Gi-bully daw siya sa victim sa internet café… bali giingnan siya baho… gidunggab dayon niya katong nag-bully sa iyaha,” sabi ni Sahagun.

Sumuko naman ang suspek sa mga awtoridad, pati na ang ginamit na patalim.

Dahil menor de edad, dinala siya sa Bahay-Pagasa ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD).

Nagpasalamat naman ang lolo ng biktima na sumuko ang suspek.

Nangako naman ang may-ari ng internet café na hihigpitan ang seguridad sa kaniyang establisimyento. --FRJ, GMA Integrated News