Patay ang isang 72-anyos na babae matapos siyang saksakin ng karelasyon niyang 33-anyos na lalaki dahil umano sa selos at utang sa Aguilar, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naiwan pa sa crime scene ang ginamit na kutsilyo ng suspek, na nakabilanggo na ngayon.

Agad tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo matapos ang krimen, ngunit natunton ng pulisya sa kaniyang bahay sa Bayambang.

Lumabas sa imbestigasyon na bago ang krimen, nag-away ang dalawa dahil pinagseselosan umano ng biktima ang isang kapitbahay dahil nililigawan umano ng suspek.

Kalaunan, siningil umano ng biktima ang suspek sa utang nito.

“They are living in one roof. So, lasing 'yung suspek at ito namang victim, parang kinukuha niya 'yung naipahiram niya sa kaniya roon sa suspek na P13,000,” sabi ni Police Major Mark Ryan Taminaya, hepe ng Aguilar Police Station.

“Sinabi ko sa kaniya, ‘Hindi ko na masikmura yang mga pinagsasabi mo sa akin,’ kako, kasi hindi niya tanggap na nanliligaw ako sa kabila,” sabi ng suspek.

Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng reklamang murder ang suspek.

“Nakakalungkot po. Kasi siyempre, ayun, biglaan po 'yung nangyari. Hindi namin sukat akalain na ganu’n 'yung kahaantungan sa nanay ko po,” sabi ng anak ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News