Patay matapos pagbabarilin ang isang mag-asawa habang sakay ng motorsiklo sa Maguindanao del Sur. Kasama ng mga biktima ang kanilang 14-anyos na anak nang mangyari ang krimen.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen nitong Sabado sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao del Sur.
Papunta umano ang pamilya sa “Kanduli” festival at sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin ng mga nakatakas na salarin ang mga biktima na edad 50 at 54.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang mag-asawa dahil sa tinamong mga tama ng bala sa dibdib.
Sinasabing miyembro ng Council of Elders sa Pandag, Maguindanao del Sur ang biktimang lalaki.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen, at pagkakakilanlan ng mga salarin. --FRJ, GMA Integrated News