Kagimbal-gimbal ang sinapit na kamatayan ng isang 60-anyos na ama mula sa kamay ng sarili niyang 41-anyos na anak sa Tagum City. Ang biktima, pinugutan umano at inalisan ng lamang-loob ng suspek.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen nitong Linggo ng umaga sa Barangay Madaum.
Ayon sa pulisya, nakarinig umano ng kaguluhan ang mga kapitbahay sa bahay ng mag-ama bago naganap ang krimen.
Nakita umano ang ilan sa lamang-loob ng biktima malapit sa puno sa labas ng bahay. Hinihinala naman na itinapon ng suspek ang ulo ng biktima sa ilog.
"According sa nakakita, itinapon [ng suspek] doon sa may river area dito sa Madaum, at saka ginamitan pa niya ng pala at pinaglalagyan ng putik yung katawan," pahayag ni Police Leiutenant Colonel Wildemar Tiu, hepe ng Tagum City Police Station.
Nakita ng mga awtoridad ang bolo at iba pang gamit na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa krimen.
"Accordingly, mayroon siyang mental disorder. So ang unang mga hinala nila lulong sa droga pero naano din natin (nalaman) na yung family nila mayroon ganun na sakit," sabi pa ni Tiu.
Naaresto naman ang suspek sa pinangyarihan ng krimen, at sinabing wala siyang alam sa nangyari.
Nahaharap siya sa kasong parricide.-- FRJ, GMA Integrated News