Nasawi ang isang babaeng senior citizen nang salpukin ng sports utility vehicle (SUV) ang sinasakyan niyang tricycle na minamaneho ng kaniyang asawa sa Santa Barbara, Iloilo.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang mabilis na pagsalpok ng SUV sa tricycle na liliko dapat.
Nasira ang harapan ng SUV at nayupi rin ang gilid ng tricycle sa lakas ng pagkakabangga.
Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang senior citizen, na kaniyang ikinasawi, habang nagkasugat ang asawa niya na nagmamaneho ng tricycle.
Inilahad ng SUV driver sa mga awtoridad na ikinagulat niya ang papalikong tricycle kaya hindi na siya nakapreno.
Nasa kustodiya na ng Santa Barbara Police Station ang SUV driver, samantalang pinag-iisipan pa ng pamilya ng mga biktima kaugnay ng pagsasampa ng reklamo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
