Isang mag-ina na nakatira sa isang tolda ang namatay sa pagkalason umano matapos may mamataang sachet ng insecticide malapit sa lugar sa San Fernando, Cebu.
Sa ulat ni Bam Alegre sa "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing patay na nang matagpuan ang ina sa tolda sa gitna ng mga puno sa Barangay Balud.
Ang kaniya namang tatlong taong gulang na anak, namataan ding nakapatong sa kaniyang likod.
Isinugod ang bata sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Base sa hinala ng pulisya, namatay ang mag-ina sa pagkalason matapos mamataan ang sachet ng insecticide malapit sa tolda.
Inirekomenda sa pamilya ng mga biktima na isailalim sa autopsy ang labi ng mag-ina.
Kasama sa mga inimbitahan sa pagtatanong ang dating live-in partner ng babae, matapos matuklasang tumira ang mag-ina sa tolda dahil sa panggugulo ng lalaki sa pamilyang kumupkop sa mag-ina. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News
