Agad na nasawi ang magpinsang high school students matapos masalpok ng isang truck sa Andaya Highway, F. Simeon, Ragay, Camarines Sur Lunes ng hapon.
Ayon sa ulat ng Ragay Municipal Police Station, lulan ng motorsiklo ang magpinsan na isang babae at isang lalaki.
Kakalabas lang ng dalawang biktima mula sa paaralan pasado alas-singko ng hapon nang masalpok ang mga ito ng truck na patungong Maynila.
Sa tindi ng pagsalpok ay tumilapon ang mga biktima at nawasak ang kanilang motorsiklo.
Hindi huminto sa lugar ang truck na nakabangga subalit sumuko ang driver sa PNP checkpoint sa kasunod na bayan.
Hawak na ngayon ng PNP ang driver ng truck na wala pang pahayag.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Ragay.—AOL, GMA Integrated News