Pinagtataga at napatay ng isang 26-anyos na lalaki ang kaniyang sariling ama na 60-anyos sa Davao City nitong Martes matapos mauwi sa pagtatalo ang kanilang inuman.
Sa ulat ni Rgil Ralator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing batay sa imbestigasyon ng awtoridad, galing sa birthday celebration ang mag-ama at itinuloy ang kanilang inuman sa kanilang bahay.
Pero sa gitna ng inuman, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa kumuha ng itak ang anak at pinagtataga ang kaniyang ama.
Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay dahil sa mga sugat na tinamo sa iba't ibang parte ng katawan.
Nakita pa umano ng kapitbahay ang suspek nang lumabas ng bahay na may hawak na itak at sinabing tinaga niya ang kaniyang ama.
Sinabi pa umano ng suspek na unang nanaga ang kaniyang ama.
Ayon sa pulisya, nagtamo rin ng sugat sa braso ang suspek, pero sinabi ng isa nitong kaanak na kagagawan din ng suspek sa sarili ang mga tinamong sugat.
Sumuko naman ang suspek sa mga awtoridad na mahaharap sa kasong parricide. --FRJ, GMA Integrated News
