Patay ang tatlong nakasakay sa motorsiklo matapos silang tambangan ng mga suspek na sakay ng sports utility vehicle (SUV) sa Zamboanga City.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage sa Barangay Tetuan na dalawang SUV ang humahabol sa mga biktima.

Hanggang sa maabutan ng mga SUV at pinagitnaan nila ang motorsiklo kung saan nasundan na umano ng mga putok ng baril.

Hindi na nakuhanan ng CCTV ang mismong pamamaril sa mga biktima.

Ayon sa awtoridad, lumalabas sa imbestigasyon na galing ang mga biktima sa isang bar at may nakalitan na ilang lalaki sa parking area.

Ang naturang krimen ang ikawalong  insidente ng pamamaril sa lungsod mula nang magsimula ang gun ban dahil sa gaganaping Eleksyon 2025.—FRJ, GMA Integrated News