Nasaksihan ng mga motorista ang pananaksak ng isang lalaki sa isang habal-habal driver sa gitna ng kalsada sa isang barangay sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Kinasang-an Pardo nitong madaling araw ng Sabado.

Sa nahuli-cam na insidente, makikita ang suspek na nakaibabaw at iniindayan ng saksak ang biktima sa gitna ng kalsada.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nag-aabang ng pasahero ang 33-anyos na biktima nang lapitan siya ng suspek at kuhanan ng litrato gamit ang cellphone.

Nagalit ang biktima kaya nagtalo ang dalawa na nauwi sa pananaksak ng suspek.

Nasa ospital ang biktima at inoobserbahan sa tinamong saksak sa sikmura.

Nakatakas naman ang suspek na inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan.— FRJ, GMA Integrated News