Patay na, walang saplot at may matinding sugat sa tiyan nang makita ang isang 70-anyos na lalaki sa Pilar sa Camotes Island, Cebu. Ang biktima, pinaniniwalaang inatake ng kalabaw.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabi ni Police Master Sergeant Julius Navarro, desk officer ng Pilar Police Station, na residente ng Barangay Dapdap ang biktima.

Ayon sa asawa ng biktima, nagpaalam ito na pupunta sa kabilang sitio para manguha ng mga kahoy na panggatong pero hindi na nakauwi.

Nang hanapin nila ang biktima, nakita nila ang bangkay nito at may mga sugat, kabilang sa tiyan na pinaniniwalaan nilang sinuwag ng kalabaw.

Inihayag ni Police Lieutenant Jeremy Ballad, hepe ng Police Station, nagkasira-sira din ang kasuotan ng biktima kaya wala na itong saplot nang matagpuan.

"Since naging aggressive itong kalabaw sa victim, sa sobrang aggressive nito na sa pagkaka-atake sa victim yung mga damit ng ating victim sira talaga, naigo ang kuan niya tiyan at caused his immediate death,"sabi ni Ballad.

Nagkausap na rin umano ang pamilya ng biktima at ang may-ari ng kalabaw. --FRJ, GMA Integrated News