Kalunos-lunos ang sinapit ng isang padre de pamilya na bibili lang sana ng pandesal pero nasawi matapos siyang mabangga ng isang multi-purpose vehicle (MPV), tumilapon, at saka nagulungan ng 16-wheeler truck sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Renato Lao-ang, 35-anyos, may isang anak na isang-taong-gulang pa lang, at buntis ang asawa.
Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay San Jose nitong Martes ng madaling araw bago mag-5:00 am, makikita si Lao-ang na tumawid sa kalsada para umano bumili ng pandesal.
Pagdating niya sa gitna ng kalsada, tumigil ang biktima upang hintayin na makalampas ang mga dumadaang sasakyan na may mga truck.
Pero ilang saglit lang, isang MPV na mabilis ang takbo ang bumangga sa kaniyang likuran na dahilan para tumilpon siya sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nagkataon naman na may dumadaang 16-wheeler truck at nagulungan ang biktima.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City Police, nahagip ng mga gulong mula sa unahan hanggang hulihan ng truck ang biktima dahil wala nang pagkakataon na makapagpreno agad ang dambuhalang sasakyan.
Sinabi rin ni Manongdo na sumuko ang driver ng truck pero hindi ang driver ng MVP na unang nakabangga sa biktima.
Ipinakita umano ni Manongdo sa pamilya ng biktima ang video na nahuli-cam ang pangyayari. Hindi na sila nagsampa ng reklamo laban sa driver ng truck na nakipag-areglo naman sa naulilang pamilya.
"Sana yung nakabangga sa asawa ko magpakita na," emosyonal na panawagan ni Lorena, asawa ng biktima at nakatakdang manganak sa Marso. "Hustisya ang kailangan sa asawa ko. Hindi maibabalik ang buhay ng asawa ko."
Patuloy na hinahanap ng mga awtoriad ang tumakas na driver ng MPV. --FRJ, GMA Integrated News