Sugatan pero nakaligtas ang isang batang babae na tatlong-taong-gulang matapos siyang mabundol at pumailalim sa isang pickup truck sa Cotabato City.

Sa ulat ng GMA Regional TV News sa GTV Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa CCTV camera na mag-isang tumawid sa kalsada ang paslit noong Pebrero 9.

Nabundol at pumailalim sa sasakyan ang biktima, habang hindi kaagad tumigil ang pick-up truck.

Pag-amin ng mga magulang ng bata, hindi nila namalayan na tumawid ng kalsada ang kanilang anak.

Sumuko naman ang driver ng pickup truck at nangakong sasagutin ang pagpapagamot sa bata.-- FRJ, GMA Integrated News