Nasawi ang isang ama na nanundo ng anak sa Mabalacat, Pampanga matapos siyang barilin sa loob ng kaniyang kotse ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ni Pampanga Police Provincial Director, Police Colonel Jay Dimaandal, na nangyari ang krimen matapos sunduin ng biktima ang kaniyang anak.

Nasa Dau Access Road na umano ang mag-ama na nakasakay sa kotse nang dumating ang riding in tandem at pinaputukan sila.

“Based po sa statement po ng anak, ‘yung unang baril po niya [ng suspek] is hindi pumutok. Hindi lang po talaga agad nag-stop yung kotse, kaagad na nakatakbo itong anak. Sa pangalawa, doon po pumutok at tinamaan po, isang bala lang po, tinamaan po ‘yung biktima,” ayon kay Dimaandal.

Natukoy naman daw ng anak ang bumaril sa kanila, dagdag pa ni Dimaandal, na patuloy pa ang imbestigasyon tungkol sa motibo sa krimen.

Samantala, isang lalaki naman sa Floridablanca, Pampanga, ang pinagbabaril at napatay din ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglilinis ng isda sa kubo sa Barangay San Pedro ang 66-anyos na biktimang si Mario Garcia, nang pagbabarilin ito ng salarin, na mabilis ding tumakas.

Ayon kay Dimaandal, walang alam ang mga kamag-anak  ng biktima na posibleng kaaway nito. Gayunman, may nakakaalitan naman daw ito na mga dumadaan sa kanilang lugar.

“According po sa mga kaanak niya, wala naman po siyang kagalit... kasi po kapag nagbibilad po siya ng palay, wala pong makadaan sa kalsada and ilang mga dumadaan doon na pinapagalitan niya,”pahayag ni Dimaandal.

Patuloy pa umano ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News