Nasawi ang isang mag-ama, kasama ang isa pa nilang kaanak matapos na makabanggaan ng sinasakyan nilang tricycle ang isang truck sa Dipolog City.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing papunta sa paaralan ang tricycle para ihatid sa paaralan ang mga batang biktima.
Nasawi sa trahediya ang 32-anyos na ama na nagmamaneho ng tricycle, ang kaniyang anak na siyam na taong gulang, at ang kaniyang pamangkin na siyam na taong gulang din.
Malubha ring nasugutan ang isa pang pamangkin ng tricycle driver na 14-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake umano ang tricycle sa sinusundang motorsiklo kaya sumalpok sa nakasalubong forward truck na may kargang mga motorsiklo.
“Hindi niya agad na-overtake-an yung single motorcycle, na-out-of-lane siya… actually, based sa narration ng driver ng truck is nag-slow down na siya to give way para maka-abante muna yung motorcycle but nag-abot sila doon sa lane ng truck, nag-head-on collision,” ayon kay Dipolog City Police Station Chief, Lieutenant Colonel Edwin Verson.
Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang driver ng truck na hindi nagbigay ng pahayag.
Mag-uusap pa umano ang magkabilang panig kung magkakaroon ng kasunduan matapos ang nangyaring insidente. --FRJ, GMA Integrated News