Umakyat na 27 ang kumpirmadong nasawi sa gumuhong ginagawang gusali sa Angeles City, Pampanga, matapos na makuha ang dalawang bangkay ngayong Miyerkoles, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon.

Nakuha ang ika-26 na biktima mula sa guho dakong 6:40 p.m., habang ang ika-27 biktima naman ay nakuha dakong 7:10 p.m.

Bago nito, may nakuha ring bangkay kaninang hapon sa kabila ng malakas na ulan dakong 3:45 pm. sa Barangay Balibago.

Nangyari ang pagguho ng ginagawang siyam na palapag na gusali na isang hotel noong Mayo 24. Nailigtas sa trahediya ang 27 katao,

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), may mga posibleng paglabag na nangyari sa occupational safety and health standards sa naturang construction site.

Nauna nang isinailalim ang proyekto sa isang work stoppage order na ipinalabas ng DOLE Central Luzon dahil sa mga kakulangan sa mga hakbang pangkaligtasan. Muli itong pinayagan na magpatuloy sa operasyon matapos umanong matupad ang mga iniutos na dapat gawin. – FRJ GMA News