Nahuli-cam ang pagtangay ng isang driver-messenger ng isang kumpanya sa mamahaling toy collection ng kaniyang amo na nagkakahalaga ng P500,000 sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang suspek na buhat-buhat ang isang malaking kahon sa ika-apat na palapag ng isang gusali noong Pebrero 9 bandang 10 p.m.
Inilagay ng lalaki ang kahon sa pushcart at itinulak ito sa may elevator, habang dala rin ang isang itim na trash bag. Nakarating ang lalaki sa ground floor at tuluyang nailabas ang kahon at black bag mula sa gusali.
Natangay na pala ng lalaki ang mahigit 130 piraso ng mamahaling toy collection na may nabanggit na halaga.
Lumabas sa imbestigasyon na suspek ang driver-messenger ng kumpanya mula pa noong 2022.
Ipinagtaka ng may-ari ng kumpanya ang pagkawala ng kaniyang koleksyon ng laruan, na nanggaling sa ibang bansa, kaya agad niyang sinuri ang kuha ng CCTV.
Inilapit sa Cainta Police ang reklamo nitong Biyernes nang hindi na rin pumasok sa trabaho ang empleyado matapos mabisto umano.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, chief ng Cainta Police, papasok sa qualified theft ang kaso.
Posibleng naibenta na umano ang mga ninakaw na toy collection kaya hinikayat ng Cainta Police ang publiko na makipagtulungan upang maibalik ang mga ninakaw na laruan.
Maaaring makasuhan ng paglabag sa Anti-Fencing Law ang sinumang bibili ng nakaw na gamit. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News