Timbog ang isang lalaki matapos siyang manloob ng isang locker room ng supermarket sa sa Quirino Highway, Quezon City. Ang dalawang empleyado, nanakawan ng kanilang mga cellphone at iba pang gamit.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang suspek na itinutulak ang kaniyang bisikleta Martes ng gabi.
Mistulang kumukuha ng tiyempo ang lalaki na bumalik at ipinarada ang kaniyang bisikleta.
Ilang saglit pa, umakyat na ang lalaki papunta sa locker room ng isang supermarket. Pagpasok niya roon, kinuha na niya ang isang backpack.
Binuksan din ng lalaki ang iba pang bag at hinalughog ang mga ito. Umabot lamang ng 20 minuto ang pagnanakaw.
Sinabi ng pulisya na dalawang empleyado ng supermarket ang nabiktima.
“Upon checking noong locker niya, nawawala na 'yung kaniyang cellphone. Na ‘yun naman ang nagbigay sa kaniya ng idea na puntahan din 'yung ibang kasamahan niya para i-check 'yung kanilang mga locker. Then na-find out noong ating victim number 2 na nawawala din 'yung kaniyang black bag. Naiwan nilang bukas 'yung kanilang locker room at the same time, doon din kasi 'yung kanilang common CR,” sabi ni Police Major Jacinto Pascual IV, Commander ng Talipapa Police Deputy Station.
Isang cellphone at bag na naglalaman ng isa pang cellphone at wallet ang natangay ng suspek.
Nahanap sa Barangay Talipapa at inaresto ang 46-anyos sa suspek sa ikinasang follow-up operasyon ng pulisya.
Dala pa ng lalaki ang ninakaw na backpack kung saan nakapaloob ang isang cellphone. Gayunman, hindi na narekober ang iba pang items.
“‘Yung ating suspek, nakilala siya, ‘yun nga, ang 'yung kaniyang suot na tsinelas. Then pangalawa, 'yung kaniyang getaway na bike na same din na kaniyang ginamit last January 28 nu’ng lumaya siya,” sabi ni Pascual.
Bago nito, Disyembre 2025 nang madakip na rin ang suspek dahil sa pagnanakaw. Nasagkot na rin ang suspek sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Umamin ang suspek sa nagawang krimen.
“Kailangan ko lang po kasi, kailangan ko lang po ng pambili sa tubig, sa kuryente. Wala po maayos na trabaho. Nasa... niregalo ko po siya sa ano po [ang isang cellphone]. Pero mababalik po ‘yun,” sabi ng suspek, na mahaharap sa reklamong theft.
Sinusubukan pang kunan ng panig ang pamunuan ng supermarket.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News

