Iniimbestigahan ang isang police auxiliary matapos siyang manuntok ng isang lalaking suspek sa pagnanakaw sa labas ng isang ospital sa Davao City.

Sa ulat ni Sarah Hilomen-Velasco ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naka-assign sa Bajada Police Station ang nanuntok na police auxiliary.

Sinabi ng police auxiliary na isa siya sa mga humabol sa lalaki. Matapos masukol ang lalaki, sinuntok siya umano nito.

"Pagkahawak ko sa kaniya, pagkaharap niya sa akin, sinuntok niya ako sa may pisngi, nakaiwas ako. Lumapit ako sa kaniya, sabi ko 'Bakit mo ako sinuntok?' Sinagot ako nang pabiro. Tumawa lahat ng nakapalibot sa akin. Nainsulto rin ako. Sa galit ko, nasuntok ko siya," sabi ng nanuntok na police auxiliary.

Humingi na ng tawad ang nanuntok na opisyal, na sumasailalim sa imbestigasyon.

Kasama rin sa inaalam kung bakit hindi umawat ang dalawang pulis na naroon.

Hindi nakasuhan ng pagnanakaw ang sinuntok na lalaki, ngunit nakabilanggo pa rin dahil sa ibang paglabag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News