Nasagip ang nasa 10 tuta na magkahiwalay na natagpuang nakasilid sa dalawang sako sa Numancia, Aklan.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, inilahad ng uploader ng video na nagsasagawa ng clearing ang mga tauhan ng Aklan Electric Cooperative sa Barangay Laguinbanua nang matuklasan nila ang isang sako.

Nang buksan ang sako, nakita sa loob nito ang tatlong tuta.

Pagkaraan ng ilang araw, isa na namang sako ang natagpuan na may laman namang pitong tuta.

Patuloy na inaalam kung sino ang may-ari ng mga tuta at kung bakit niya itinapon ang mga ito sa lugar.

Ipinamigay na ng uploader sa mga residente sa lugar ang naturang mga tuta. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News