Patay sa pamamaril ang isang 72-anyos na lalaki sa labas ng kaniyang bahay sa Asingan, Pangasinan. Ang biktima, may kinakaharap umanong kaso na frustrated murder, ayon sa pulisya.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Eluiterio Malong, residente ng Barangay San Vicente East.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, kalalabas lang ni Malong ng bahay para magtungo sa taniman nang makarinig sila ng mga putok ng baril.
Nakakuha ang pulisya ng anim na basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.
Tikom naman ang bibig ng mga kaanak ng biktima tungkol sa posibleng nakaaway ni Malong na maaaring nasa likod ng krimen.
Ang pulisya, tinitingnan ang paghihiganti o dating nakaaway na isa sa mga posibleng motibo sa krimen.
“As to the background check ng ating victim, may mga na-file po na case against doon po sa victim natin. May ongoing po siyang hearing for frustrated homicide sa ating MTC (Municipal Trial Court),” ayon kay Police Major Katelyn May Awingan, hepe ng Asingan Police station.
“As of now, ang pinakamataas ang probability of motive ng pagpatay po dito sa victim ay revenge,” dagdag ng opisyal. --FRJ, GMA Integrated News