Nahuli-cam ang ginawang pag-atake sa mga guwardiya at panloloob ng mga kawatan sa isang sanglaan sa Davao City. Ang halaga ng mga natangay na alahas, aabot umano sa P40 milyon. Isang suspek, ang agad na naaresto.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang pagdaan sa harap ng dalawang lalaki sa naturang pawn shop.

Ilang saglit pa, biglang bumalik ang mga lalaki at bumunot ng baril at sinunggaban ang mga guwardiya.

Sumunod ang dalawa pa nilang kasabwat at may dalang maso ang isa sa kanila. Sinira nila ang pinto ng loob ng sanglaan at tuluyang nakapasok.

Nilimas ng mga kawatan ang mga naka-display na mga alahas.

Sa isa pang kuha ng CCTV, nakita ang tatlong suspek na tumakas at iniwan ang kanilang motorsiklo nang pumalya ito.

Nadakip sa follow-up operation sa Bankerohan Public Market ang isa sa mga suspek at nabawi sa kaniya ang ilang alahas na tinangay.

Isang baril din ang nakumpiska.

Wala pang pahayag ang suspek samantalang patuloy ng pagtugis ng pulisya sa iba pang suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News