Nasawi ang driver ng isang kotse matapos mabangga ng isang truck na nag-overtake sa isang bus na tumigil sa gilid ng daan sa Binalonan, Pangasinan. Ang misis ng nasawing driver, sugatan din.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera sa Barangay Bugayong ang pagliko ng truck para iwasan ang bus na tumigil para magsakay ng pasahero.

Sa kasamaang-palad, paparating naman sa kabilang bahagi ng linya ng kalsada ang kotse ng mga biktima at nangyari na ang salpukan.

"Ang nangyari kasi may sinusundang bus itong truck. So, accordingly, nag-stop itong (bus) kasi mag-pick-up ng pasahero niya. So alanganin na 'yung truck kaya kinabig niya sa kaliwa… ‘yun nga nagkaroon ng head-on collision," ayon kay Police Captain Clyde Sindayen, Deputy Chief of Investigation, Binalonan Police Station.

Nagtamo ng matinding pinsala ang kotse na patungo sana sa Urdaneta.

Hindi naman nasaktan ang mga sakay ng truck na may karga na mga saging at patungo sa La Union.

Nakadetine sa himpilan ng pulisya ang driver ng truck na hindi nagbibigay ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News