Nagulat ang mga kawani matapos bumisita ang hindi tao, kundi isang endangered na leopard cat sa kanilang hotel sa Puerto Princesa, Palawan.
Ayon sa ulat ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), isinalaysay ng staff na si Ruel Sangabriel na tila isang pangkaraniwang pusa lamang ang nakita nilang pumasok sa kanilang hotel noong Huwebes, Marso 13.
Kalaunan, laking-gulat nila nang matuklasang isa pala itong leopard cat.
"Ngunit sa kabila ng takot na naramdaman ng kapuwa niya kawani, mas nangamba siya umano sa kalagayan ng nasabing buhay-ilang. Dagdag pa nito, mayroon din siyang kamalayan na hindi ito dapat saktan at alagaan kaya agad niya itong dinala sa tanggapan ng Kawanihan ng Sangguniang Palawan para sa Patuloy na Pag-unlad (PCSDS), para matiyak ang ligtas nitong kapakanan," ayon sa PCSD.
Ayon sa PCSD, kabilang ang leopard cat sa listahan ng mga buhay-ilang na nanganganib nang maubos o endangered species, ayon sa PCSD Resolution 23-967.
Nagpaalala ang PCSDS na dapat magkaroon ng kamalayan ang lahat ng komunidad ukol sa tamang ahensiya na lalapitan para sa pag-turnover ng mga buhay-ilang, na nakasisigurong maaalagaan nang tama ang mga hayop at maibabalik sa kanilang natural na tahanan.
"Nagbibigay-diin din ito sa responsibilidad ng tao sa kapaligiran at kalikasan, at ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa pagprotekta sa yaman ng Palawan," anang ahensiya.
Nanawagan ang PCSDS na kung may makitang buhay-ilang na nasa delikadong sitwasyon, huwag mag-atubiling dalhin ito sa kanila o makipag-ugnayan sa Wildlife Rescue Team sa numerong 0931 964 2128 /0965 662 0248.
Maari ring magpadala ng mensahe sa Facebook page ng PCSD para sa agaran at tamang aksiyon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News