Kaawa-awa ang kinahinatnan ng isang batang dalawang taong gulang na namatay matapos bugbugin at masaksak nang madamay sa away ng kaniyang ina at live-in partner nito sa Lubao, Pampanga.
Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nag-away ang ina at kinakasama nito noong Martes ng gabi dahil umano sa selos, sabi ni Police Colonel Jay Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga Police Provincial Office.
Sinaktan at sinakal umano ng suspek ang ina ng biktima. Mabilis na nakalabas ng bahay ang ina ngunit naiwan ang kaniyang anak, at ito ang pinagbalingan ng lalaki.
“Noong nasa labas po siya, nagsisigaw din po 'yung bata kasi parang hinawakan daw po sa paa at inihampas daw po 'yung bata,” sabi ni Dimaandal.
Pagkabalik ng ina sa bahay, nadatnan niyang walang malay ang bata.
Pagkabuhat niya sa anak, akto namang mananaksak ang suspek. Nasapul sa braso ang nanay samantalang nasaksak sa kanang bahagi ng tiyan ang bata.
Dead on arrival sa ospital ang bata habang agad namang na-discharge ang nanay.
Tumakas ang lalaki ngunit nahanap din ng mga pulis sa bahay ng kaniyang tiyuhin.
Umamin ang suspek na nakainom sila ng kinakasama bago ang naging alitan.
“Nag-away po kami. Nahawakan ko po ‘yung kutsilyo… tinutok ko lang po sa kanila. Nasaksak ko pala ‘yung bata,” sabi ng suspek.
Walang pahayag ang suspek hinggil sa narekober sa kaniya na sachet ng hinihinalang shabu at granada.
“Inalagaan ko rin sila. Inako ko po na sarili kong anak ‘yan,” sabi ng suspek, na nakabilanggo na at nahaharap sa kasong homicide, frustrated homicide at paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act.
Sasampahan din ng mga awtoridad ang kaniyang tiyuhin. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
