May naitalang 57 kaso ng jellyfish sting sa iba't ibang beach sa Pangasinan mula April 17 hanggang April 20, 2025.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing karamihan sa mga kinapitan ng dikya ang mga beachgoers sa Binmaley, Dagupan City, Alaminos City, at Lingayen.

ALAMIN: Ihi, puwede nga bang pang-first aid kapag kinapitan ng dikya?

“Mataas ang kaso ng jellyfish sting. Mayroon tayong 57 na kaso ng jellyfish sting,” ayon kay Avenix Arenas, Assistant Officer ng Pangasinan Disaster Risk Reduction and Management Office.

Naitala sa Binmaley ang may pinakamaraming kaso ng jellyfish sting na umabot sa 27, sumunod ang Dagupan (15 cases), Alaminos (8) at Lingayen (7).

Nagpatupad naman ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City ng no-swimming policy sa Tondaligan Beach para maprotektahan ang mga tao.

Gayunman, may ilang mga beachgoer pa rin umano ang hindi mapigilang magtampisaw sa dagat.

Ayon kay Albert Gregorio, administrator ng Tondaligan Ferdinand Blue Beach Park, sinasabihan nila ang mga nagpupunta sa beach tungkol sa panganib ng jellyfish string upang hindi sila ang masisisi sakaling may madisgrasya na hindi makikinig sa kanilang papaala.

Mayroon namang mga nagtungo sa beach ang pinili na lang mag-relax sa buhangin at simoy ng hangin.

“Sabi nila bawal daw maligo kaya dito na lang, relax din naman kami,” sabi ni Gette Sharie Dacanay.

Naglagay naman ng tauhan ang City Health Office malapit sa beach upang tumugon kung kakailangan.

Muli ring nagpaalala ang health authorities na huwag buhusan ng ihi ang parte ng katawan na kinapitan ng dikya.

Mas makabubuti umano na gumamit ng suka o vinegar at pagkatapos ay dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima.-- FRJ, GMA Integrated News