Nasawi ang isang lalaking nagmamaneho ng tricycle nang makabanggaan niya ang isang truck sa San Nicolas, Ilocos Norte.Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa paakyat na bahagi ng highway sa Barangay 18.Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, umagaw umano ng linya ang tricycle na dahilan para makasalpukan nito ang truck.Sa lakas ng pagkakabangga, nayupi ang tricycle at naipit ang driver nito, na idineklarang dead on arrival sa ospital.Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na nakipag-usap na umano sa kaanak ng nasawi.Samantala, isang 63-anyos na magsasaka naman ang nasawi nang mahulog sa malalim na bukid ang minamaneho niyang tricycle sa Bacarra, Ilocos Norte.Sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol sa tricycle ang biktima habang binabagtas ang pakurbang bahagi ng daan hanggang sa mahulog sa bukid.Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkasawi.-- FRJ, GMA Integrated News