Nabisto ang lantarang pagbebenta umano ng shabu sa Rodriguez, Rizal. Nagsagawa naman ng operasyon ang pulisya at naaresto ang tatlong suspek, kabilang ang isang menor de edad na babae.Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang video na kuha ng isang residente sa Barangay San Jose na isang lalaki ang may hawak na isang pakete. Ibinigay niya ito sa isa sa dalawang lalaking kasama niya, at nag-abot pa siya ng lighter.Ilang saglit pa, iniabot ng lalaki ang isa pang pakete sa lalaking nakasuot ng pulang t-shirt.Sa isa pang video, makikita naman ang lalaki na sakay ng motorsiklo na hawak ang pakete at inilagay sa kaniyang baywang. Kasunod nito, nag-abot siya ng pera sa nakatayong lalaki.Ayon sa pulisya, ang mga nakuhang video ay ebidensiya ng lantarang bentahan ng shabu umano sa naturang lugar.Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, Chief of Police ng Rodriguez Municipal Police Station, na may nakapagbigay sa kanila ng impormasyon tungkol sa bentahan ng shabu sa Barangay San Isidro, na halos araw-araw naroroon ang mga suspek.Nadakip ang tatlo sa mga sangkot, na 30-anyos na lalaking nakapulang t-shirt sa video, ang 27-anyos na rider at 16-anyos na angkas na live-in partner nito.Isa naman ang nakatakas at patuloy na hinahanap.Nakumpiska sa mga naarestong suspek ang siyam na pakete o 25 grams ng shabu umano na nagkakahalaga ng P170,000.Itinanggi ni alyas “Acon” na siya ang nakunan sa video, ngunit umamin siyang gumagamit sila ng droga at hindi nagbebenta.“Gumagamit po ma'am. Bumibili po. Paggaling sa trabaho po, ‘pag umuwi, ‘pag gusto ko pong mag-relax, bumibili po ako. Hindi po ako nagbebenta,” sabi ni alyas “Acon.”Umamin ding gumagamit ng shabu ang isa pang nadakip, habang walang pahayag ang naarestong menor de edad.Nakakulong na sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station ang mga suspek, na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News