Comatose ngayon ang lagay ng isang senior citizen na babae matapos matumba nang agawin ng isang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang kaniyang bag sa Valencia City, Bukidnon.Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV camera na naglalakad ang biktima sa kaliwang bahagi ng daan, at nakasukbit sa kaliwang balikat niya ang bag.Maya-maya lang, dumating na ang suspek na sakay ng motorsiklo at umaandar na dumikit sa kanang bahagi ng biktima sabay hablot sa bag.Dahil nasa kaliwang balikat ang bag, napaikot ang biktima sa ginawang paghatak ng suspek at natumba ang babae sa daan at nawalan nang malay.“Then paghablot sa bag niya, eventually, natumba siya, nahila siya at nakakuha siya ng injuries sa different parts of her body. Unfortunately, kahit nadala siya sa hospital nasa state of coma ang biktima up to now hindi pa siya conscious,” ayon kay Bukidnon Police Provincial Office Spokesperson Police Major Jayvee Babaan.Walang suot na helmet ang suspek pero may takip ang mukha nang mahuli-cam sa CCTV camera.Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamilya ng biktima, habang nanawagan ang pulisya sa sino mang nakakakilala sa suspek na makipag-ugnayan sa kanila para mahuli.“Kung may mga information kayo to this incident, kindly contact our Valencia City Police Station to give important details in relation to this incident,” ani Babaan. -- FRJ, GMA Integrated News