Nasawi ang dalawang batang lalaki, habang sugatan ang isang batang babae nang madaganan sila ng gumuhong pader mula sa isang abandonadong bahay sa Davao City.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong hapon ng Martes sa Barangay Sasa, Davao City.
Edad pito at sampu ang dalawang nasawi, habang 11-anyos naman ang nasugatang babae na nagpapagaling pa sa ospital.
Ang biktimang pitong-taong-gulang, nadala pa sa ospital pero pumanaw pagsapit ng hatinggabi bunga ng matinding pinsala na tinamo sa kaniyang ulo.
Inilarawan ni Mary Chris Romagos ang nasawi niyang anak na malambing at mapagmahal.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, naglalaro ang tatlong bata sa abandonadong bahay matumba ang isang puno dahil sa lakas ng hangin at tumama sa pader.
Natumba naman ang naturang pader sa tatlong biktima.
Ayon kay Davao City Police Office Spokesperson Police Captain Hazel Caballero Tuazon, pag-aaralan pa kung sino ang dapat managot sa nangyari at makikipag-ugnayan sila sa lokal na pamahalaan. -- FRJ, GMA Integrated News
