Tinangkang sunugin ng isang lalaki ang Iglesia ni Cristo (INC) church sa Mauban, Quezon matapos na hagisan ng Molotov cocktail noong Lunes.
Ayon sa report mula sa Police Regional Office 4A (PRO4A) nitong Miyerkules, pumasok sa bakuran ng simbahan ang isang lalaki na may dalang tatlong bote ng Molotov cocktail.
Tinangka naman ng mga miyembro ng religious group napigilan ang 40-anyos na suspek pero nagawa nitong ibato ang Molotov cocktail sa bintana papasok sa simbahan.
Dahil dito, nagkaroon ng apoy sa labas at loob ng simbahan na kaagad namang naapula ng INC members.
Tumakas ang suspek pero nagbanta umanong babalik para sunugin ang simbahan, ayon sa police report.
Sa follow-up operation ng mga tauhan ng Mauban Municipal Police Station, naaresto ang suspek pero hindi binanggit kung bakit nais niyang sunugin ang simbahan ng INC.
Nahaharap ang suspek sa reklamong destructive arson sa ilalim ng Revised Penal Code.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

