Tatlo ang nasawi--kabilang ang dalawang babae--nang masalpok ng isang pampasaherong bus ang tricycle na sinasakyan ng mga biktima sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay San Pablo nitong madaling araw ng Huwebes.
Sa closed circuit television (CCTV) footage, makikita ang tricycle na nakatigil sa shoulder lane. Nang lumampas sa kaniya ang isang truck, bigla itong nag-U-turn at doon na nahagip ng bus na nasa kabilang linya.
Napuruhan ang gilid ng tricycle na sakay ang dalawang babaeng pasahero na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Pumanaw din kinalaunan ang driver ng tricycle habang ginagamot sa ospital.
Ayon sa pulisya, nagkausap na ang mga pamilya ng biktima at kompanya ng bus.
“Paalala lang po sa mga motorista natin na tuwing magko-cross sila sa highway, kailangan mag-back-to-basic po tayo. Look at your left and right, kapag clear po ‘yung kalsada natin saka lang po tayo tatawid. Para maiwasan ‘yung ganitong pangyayari, lalo na kapag dis-oras na ng gabi,” payo ni Police Captain Rodel Ragasa, officer-in-charge ng Sto. Domingo Police Station. --FRJ, GMA Integrated News
