CALAUAG, Quezon - Ginanap ngayong araw ng Linggo sa bayan ng Calauag, Quezon ang masayang Alimango Festival bilang pasasalamat ng mga taga-Calauag sa masaganang biyaya ng dagat at ilog.

Tampok sa pagdiriwang ang paligsahan sa pinakamalaki at pinakamabigat na huling alimango. 

Ang pinakamalaki at pinakamabigat na alimango ay umabot sa higit dalawang kilo, at muling nakamit ngayong taon ni Edgar Aspiras ang kampeonato para dito.

Ayon kay Edgar, taun-taon niya pinaghahandaan ang paligsahan. Nais daw niyang magbigay ng kasiyahan sa mga kababayan at sa mga panauhin.

Nagkaroon din ng pabilisan sa pagtatali ng mga huling alimango. Kahit na nasisipit at nasusugatan ang mga kalahok ay masaya nilang tinapos ang paligsahan.

Siyempre ang pinakainabangan ng lahat ay ang karera ang mga alimango. Sa karera, mayroong sadyang mabilis, mayroong tila pagong at mayroong tila napuyat kung kaya’t ayaw makipagkarera. 

Ang ending, deretso sa kawali ang mga alimango upang iluto at pagsaluhan.

Sa cooking contest naman ay ibinida ang iba’t-ibang putahe mayroong alimango. Ipinamalas ng mga taga-Calauag ang kanilang husay sa pagluluto at pagiging malikhain.

Hindi rin mawawala ang mga agri fishery booth kung saan ay mabibili sa murang halaga ang iba’t-ibang produkto ng Calauag, Quezon. Mula pagkain, souvenir, halaman at handicraft ay available sa mga tindahan.

Mamayang gabi naman ay magkakaroon ng fireworks display. —KG, GMA Integrated News