Patay ang isang tricycle driver na 67-anyos matapos siyang pagbabarilin habang namamasada sa Umingan, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing binaril ng dalawang suspek na tumakas sakay ng motorsiklo ang biktima sa provincial road sa Barangay Lubong dakong 10:30 a.m. nitong Miyerkoles.

Maghahatid umano ng pasahero ang biktima nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

“May karga [sakay] siya na pasahero. Pag-uwi para siyang… sinundan na siya, binaril na,” ayon kay Jason Corpuz, kaanak ng biktima.

Nagtamo ng tatlog tama ng bala sa dibdib ang biktima na hindi na umabot nang buhay sa ospital. Ligtas naman ang kaniyang pasahero.

“Hustisya na lang kung mahuli ‘yong gumawa niyan. Hustisya na lang,” ani Corpuz.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang Umingan police habang patuloy pa ang imbestigasyon. Pero sa paunang report, away sa lupa o paghihiganti ang kabilang sa mga motibong tinitingnan sa krimen.-- FRJ, GMA Integrated News