Nasawi ang isang 63-anyos na lalaki na tumigil lang pansamantala sa gilid ng highway sakay ng tricycle para umihi nang mahagip siya ng motorsiklo sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente dakong 1:20 a.m. nitong Huwebes sa national highway sa Barangay Puspus.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tumigil ang biktima at ipinarada ang kaniyang tricycle sa gilid ng highway para umihi.
Pero nang pagbalik na siya sa tricycle, doon na siya nasalpok ng motorsiklo na may sakay na dalawang tao, na parehong sugatan.
Ayon sa pulisya, parehong walang suot na helmet ang ang mga sakay ng motorsiklo at nakainom.
Inaasahang mag-uusap ngayong araw ang pamilya ng biktima at mga sakay ng motorsiklo.
Ipinaalala naman ni Police Lieutenant Reynaldo Reynon, Admin Officer ng Bantay Police Station, na bawal magmaneho nang nakainom.
“Ipinagbabawal ang pag-inom ng alak bago mag-drive. I-assess po ang sarili natin bago hawakan ‘yung manibela para hindi makapandamay ng kung sinu-sino,” paalala niya.-- FRJ, GMA Integrated News
