Nasawi ang isang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo matapos siyang makipagbarilan sa pulisya sa Antipolo, Rizal.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ng pulisya na nabuking ang suspek matapos ibenta ang kaniyang ninakaw na motorsiklo sa halagang P5,000.

Namukhaan ng buyer ang motorsiklo nang makita nito ang social media post ng asawa ng ninakawang biktima.

Iniulat ito sa biktima at sa mga awtoridad.

Pagkarating ng mga pulis sa lugar, agad tumakbo ang suspek at nakipagbarilan pa sa kanila.

Nasapul ng tama ng bala ang suspek, na dead on arrival sa ospital.

Nabawi ang motorsiklo, ngunit wala na itong plaka at kulang-kulang ang mga piyesa.

Nakuha rin ang ginamit na baril ng lalaki.

Natuklasan pa ng pulisya na may nakabinbing warrant of arrest sa kasong theft ang lalaki, na dati na ring nabilanggo dahil sa pagnanakaw. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News