Nasawi ang isang driver at kaniyang pahinante matapos bumangga sa puno ang kanilang dump truck sa Barangay Victoria, Zamboanga City. Isa namang nakatambay sa lugar ang sugatan.
Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang truck ng mga biktima na nawalan ng kontrol at biglang sumalpok sa isang puno sa Maria Clara Lorenzo Lobregat (MCLL) Highway bandang 3:35 p.m. ng Biyernes.
Agad inusisa ng mga nagulat na residente ang pangyayari.
Sa isa namang video na kuha ng isang residente, makikitang nagkalat sa kalsada ang lupang karga ng tumagilid na truck.
Wasak ang ilang nakaparadang sasakyan at kusina ng isang bahay na nahagip ng nasabing truck.
Sinabi ng Zamboanga City Police na na-trap sa front seat ng truck ang 46-anyos na lalaking driver, habang nawalan ng malay ang kaniyang pahinante.
Agad namang dumating ang rescue at dinala sa ospital ang dalawa ngunit idineklara silang dead on arrival.
Minor injury naman ang tinamo ng isang lalaking residente na nakatambay sa lugar matapos masalpok ng karga ng truck.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, biglang pumutok ang isa sa mga gulong ng truck habang bumibiyahe ito mula sa mataas na bahagi ng Barangay Lamisahan papunta sa mababang bahagi ng highway sa Barangay Victoria.
Dahil sa bigat na karga ng truck, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ang driver ng truck hanggang sa sumalpok sa isang puno.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na makuha ang payag ng pamilya ng mga biktima at mga nadamay sa insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
