Isa ang nasawi at dalawa ang sugatan nang bumangga sa kasalubong na closed van ang isang tricycle sa Polangui, Albay.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, ipinakita ang dashcam video na nasa outer lane ng highway ang tricycle nang bigla itong gumilid pakanan kaya nasagi siya ng isang kotse.

Kumabit ang tricycle papunta sa kabilang linya ng highway at doon na nasalpok ng nakasalubong na van.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang isang pasahero, habang sugatan naman ang driver at isa pang pasahero.

Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng van habang hinahanap pa ang driver ng kotse.-- FRJ, GMA Integrated News