Isang lalaki ang nasawi matapos malunod nang tangkain niyang sagipin ang dalagitang pamangkin na naunang nawala sa Chico River sa Santo Niño, Cagayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, napag-alaman mula sa Cagayan Provincial Information Office, na bumisita ang lalaki at ang pamangkin sa kanilang kamag-anak sa lugar noong Sabado.

Nagkayayaan silang mag-picnic sa ilog kasama ang limang iba pa. Pero habang naliligo, napansin nilang nawawala ang dalagita.

Tumalon sa ilog ang tiyuhin para hanapin ang pamangkin pero hindi na rin siya lumutang mula sa malalim na bahagi ng ilog.

Nang dumating ang rescue teams, unang natagpuan ang katawan ng lalaki na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Kinabukasan naman nakita ang labi ng kaniyang pamangkin na nasa layong 30 metro kung saan naligo ang grupo.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya sa nangyaring trahediya, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News