Nasawi ang isang construction worker matapos umanong mahulog ang isang bakal na tubo mula pa sa ika-22 palapag ng gusali at tumama ito sa kaniyang ulo sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng Office of the Building Official na nasa gondola noon ang biktima habang nagtatrabaho sa ikawalong palapag ng gusali, nang mabagsakan siya ng bakal na tubo.
Sa lakas ng impact, nabiyak ang suot niyang hard hat.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.
Ipinatigil muna ang pagtatayo sa mga gusali, matapos ding matuklasan na expired na ang permit sa ginagamit na gondola at tower crane.
Hindi pa nagbibigay ng komento ang pamunuan ng mga ginagawang building.
Ngunit ayon sa mga awtoridad, sinasagot na ng pamunuan ng building ang mga gastusin sa burol at libing ng biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
