Nahuli-cam ang panloloob ng isang menor de edad na lalaki sa isang tindahan sa Binmaley, Pangasinan. Ang isang pitaka na naglalaman ng mahigit P16,000.00, natangay niya.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Biyernes, makikita sa CCTV ang dahan-dahang pagpasok ng binatilyo sa tindahan.
Kalaunan, tila napansin ng lalaki ang CCTV camera kaya siya agad nagtakip ng mukha.
Hanggang sa binuksan na ng lalaki ang drawer at ginalaw ang ilang paninda bago umalis nang walang dala. Ngunit may tinangay na palang pitaka ang lalaki.
Sinabi ng may-ari ng pitaka, na siya ring may-ari ng tindahan, halagang P14,000 at $50 na katumbas ng halos P2,800 ang tinangay ng binatilyo.
Posible umanong nakalusot ang menor de edad sa siwang sa pagitan ng gate at bubong ng tindahan.
Iniulat na ng may-ari ng tindahan ang panloloob sa pulisya at mga taga-barangay.
Patuloy sila sa pag-alam sa pagkakakilanlan ng lalaking menor de edad.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
